Sa loob ng dalawang araw, tampok ang iba’t ibang aktibidad na magbibigay-pugay sa kakayahan at potensyal ng mga batang babae. Kabilang dito ang Tinig Kababaihan Girl Band Competition na gaganapin sa isang mall sa lungsod, kung saan ipapakita ng mga kalahok ang kanilang husay sa musika at pagganap.
Isasagawa rin ang Tindig Kababaihan Walk of Recognition sa kahabaan ng De Venecia Highway bilang simbolo ng pagkilala sa lakas at ambag ng mga kabataang babae sa komunidad. Samantala, ang Opening Program at iba pang pocket events ay idaraos sa isang Stadia, na magsisilbing sentro ng selebrasyon.
Hango sa diwa ng babaylan—na kilala bilang mga pinunong ginagabayan ang komunidad sa pamamagitan ng karunungan at katatagan—binibigyang-diin ng pagdiriwang na ang pamumuno ay maaaring magsimula sa murang edad.
Inaanyayahan ang mga pamilya, paaralan, at barangay na makiisa at suportahan ang mga kabataang babae, sa paniniwalang kapag sila ay umaangat, buong lungsod ang nakikinabang.








