Giyera kontra droga, “matagumpay” – Roque

Ipinagmamalaki ng Malacañang na matagumpay ang kontroberyal na kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga.

Tiwala si Presidential Spokesperson Harry Roque na posible pa ring malinis mula sa iligal na droga ang lahat ng barangay sa bansa bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte.

“Kampante tayo na may isang taon pa so baka kakayanin naman po ‘yan,” sambit ni Roque.


“Pagkatapos ng termino ng Presidente, maaaring ma-achieve po na lahat ng barangay ay maging drug-free,” dagdag pa ng Palace official.

Iginiit ni Roque na hindi inakala ni Pangulong Duterte na mabigat ang problema ng ilegal na droga.

“Sinabi naman po talaga ni Presidente na hindi niya akalain na mas malala ang problema pagdating sa droga noong siya po ay nangangampanya,” sabi ni Roque.

“Na-realize po niya early on his term na talagang mas malalim at mas malala ang problema kaya nga po mas tumagal ang pagsupil sa iligal na droga,” anang tagapagsalita ng pangulo.

Batay sa #ReamNumbersPH, nagawa ng pamahalaan na makapagsamsam ng ₱59.93 billion na halaga ng droga mula nitong May 31.

Aabot naman sa 807 drug dens at clandestine laboratories ang nabuwag.

Lumalabas din sa datos na 6,147 katao ang napatay sa 203,715 anti-illegal drug operations.

Mula sa 42,045 barangay sa bansa, 22,093 ang drug cleared.

Una nang sinabi ni Roque na tunay na legasiya ni Pangulong Duterte ang war on drugs.

Facebook Comments