Giyera man o hindi, Ping da best na pinuno para sa mga Pinoy

CANDELARIA, Quezon—Sa likod ng banta na posibleng gayahin ng China ang ginawang pagsalakay ng Russia sa Ukraine, binigyang-diin ni Partido Reporma standard-bearer Ping Lacson na dapat ihalal ng mga Pilipino ang isang lider na akma para harapin ang ganitong sitwasyon.

Kung ikukumpara sa ibang mga tumatakbo sa pagkapangulo, si Lacson ang pinakahanda para sa nasabing posisyon dahil sa kanyang karanasan bilang sundalo, pagtanaw sa mga posibleng suliranin, at pagtalakay sa mga usaping may kinalaman sa ugnayang pulitikal ng iba’t ibang mga bansa.

Kung matatandaan, una nang sinabi ni Lacson na hindi dapat manatiling neutral o walang kinakampihan ang Pilipinas sa nagaganap na bakbakan sa pagitan ng Russia at Ukraine, alinsunod sa nakasaad sa Konstitusyon na dapat nating tutulan ang giyera at dahil kaanib tayo ng United Nations na layuning panatilihin ang pandaigdigang kapayapaan at seguridad.


Inihayag niya ito sa kanyang pagdalo sa presidential debate ng CNN nitong Linggo. Kinabukasan, inilabas na rin ng pamahalaan ang parehong paninindigan nang bumoto ito ng ‘yes’ para kondenahin ang naging pag-atake ng Russia sa ginawang emergency session ng UN General Assembly.

“I knew it was the right thing to do and I knew that a condemnation from the United Nations General Assembly was forthcoming because of the UN Charter na tayo naman ay signatory. Thank you,” sabi ni Lacson sa mga mamamahayag nitong Martes.

Para kay Lacson, mali ang pananahimik dahil pinalalakas lamang nito ang mga nang-aabuso. Kung gagawin aniya natin ito, baka dumating ang araw na mahiya tayong humingi ng tulong sa ibang mga bansa sakaling maharap tayo sa parehong sitwasyon na pinagdaraanan ng Ukraine ngayon.

“Alam niyo siguro, subliminally, iniisip ko paano naman tayo kung tayo naman ang in-invade ng China at nanghihingi tayo ng tulong sa buong mundo?” ani Lacson.

“Baka mahiya tayong humingi ng tulong kasi tayo, hindi tayo nagka-lakas ng loob para mag-join doon sa tinatawag na community of nations sa pagkondena sa isang maliwanag na aggression, unprovoked aggression, against a weaker country like Ukraine. So, ‘yon po ‘yung aking posisyon,” paliwanag niya.

Gayunman, ayon kay Lacson, maaaring hindi sapat ang paghahayag ng pagkondena. Ngunit umaasa siya na sa pagbubukas ng usaping pangkapayapaan sa pagitan ng Russia at Ukraine ay magbubunga ito ng katanggap-tanggap na resolusyon para sa dalawang bansa upang hindi na lumalala ang karahasan.

Sa mga nakaraang panayam, binanggit ni Lacson na maaaring magresulta sa mas malawak na pandaigdigang labanan ang sumiklab na giyera sa bahagi ng silangang Europa, bagay na dapat ay iwasan hangga’t maaga lalo pa’t maraming buhay na ang nasawi at nagdusa dahil sa pandemya ng COVID-19.

“Nangyari na ‘yan, ‘di ba? World War I, World War II. Lahat tayo, ‘yung mga magulang natin nag-suffer diyan. Napakahirap pagka world war, lahat ng bansa damay. Pati tayo madadamay diyan kasi magkakampi-kampihan. ‘Yon ang iwasan natin,” sabi ni Lacson.

Mabuti na lang umano at nag-abstain ang China sa pagboto sa UN Security Council hinggil sa krisis sa Ukraine. Itinuturing ni Lacson na isang positibong indikasyon ito dahil bagaman hindi kinokondena ay hindi rin kinukunsinti ng China ang ginawang pag-atake ng Russia.

“Ang masamang indikasyon, kung bumoto ‘yung China for Russia o in favor of Russia. Iisipin ko doon baka mag-invade sila sa atin sa West Philippine Sea. Teritoryo natin in-invade. That could provoke another crisis,” ayon sa presidential bet ng Partido Reporma.

Samantala, nagpataw na ng parusang pang-ekonomiya ang Estados Unidos, mga kaalyado nito sa North Atlantic Treaty Organization (NATO) at iba pang mga bansa laban sa Russia para subukang ayusin ang sigalot sa diplomatikong paraan at iwasan ang pagsiklab ng malawakang digmaan.

Kasunod nito, umaasa rin si Lacson na magigising sa katotohanan si Pangulong Vladimir Putin ng Russia at maisip na ang pagbomba niya sa mga siyudad ng Ukraine ay hindi nakakatulong sa kanya at sa kanyang mga kababayan.

Sinang-ayunan din ni Lacson ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pulungin na ang mga miyembro ng kanyang Gabinete para pag-usapan ang posibleng epekto ng giyera sa Europa sa ating ekonomiya—bagay na una na ring inapela ng pinuno ng Partido Reporma.

“I fully agree with the President in calling for an emergency meeting with the military, defense establishment, and the economic managers, pati ‘yung mga policymakers natin, para proactively pag-usapan na ano ‘yung ating gawin; mag-scenario building na sila,” pahayag ni Lacson.

“Mahirap ‘yung ‘pag nandiyan na saka pa natin iisipin ang paano sasagutin ang problema. Mabuti na ‘yung pinag-iisipan na natin. Ganyan dapat ang namumuno… Dapat nauuna ‘yung pag-iisip at pinangungunahan na ‘yung problema,” dagdag pa niya.

Facebook Comments