Giyera sa Ukraine, hindi makakaapekto sa pagbili ng Pilipinas ng helicopters sa Russia ayon kay Defense Secretary Lorenzana

Magpapatuloy ang pagbili ng Pilipinas ng mga Russian Mi17 helicopter kahit pa may economic sanctions na ipinatupad ng Estados Unidos at Europa laban sa Russia dahil sa ginawa nitong paglusob sa Ukraine.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang kontrata sa heavy lift helicopter procurement project ng Department of National Defense (DND) ay nilagdaan na noong Nobyembre at nakapagbayad na ng down payment ang Pilipinas nitong nakalipas na buwan ng Enero.

Aniya, P12.7 bilyon kontrata ay gagawin sa loob ng ilang taon kung saan ang delivery ng unang batch ng 17 units ng Mi17 helicopter ay inaasahan sa loob ng 24 na buwan.


Sinabi ng kalihim, panahon lang aniya ang makapagsasabi kung ang nasabing kontrata ay maaapektuhan ng giyera sa Ukraine.

Naniniwala naman ang kalihim na ang pagbili ng Pilipinas ng Russian military equipment ay hindi na sakop ng sanctions ng Estados Unidos dahil nakapagbigay ng paunang bayad ang Pilipinas bago pa mangyari ang giyera sa Ukraine.

Facebook Comments