Kasalukuyang isinasagawa ang International Conference on Technology, Social Science, Business, Agriculture, and Fisheries (ICTSBAF) 2025 na inorganisa ng Pangasinan State University, kasama ang Commission on Higher Education Region 1, Caraga State University, at Thu Duc College of Technology mula Vietnam.
Binibigyang-diin sa nasabing conference ang malaking tulong ng mga research o pag-aaral upang makabuo ng mga bagong kagamitan at solusyon para sa iba’t ibang sektor tulad ng agrikultura, teknolohiya, negosyo, social science, at pangisdaan.
Maganda rin umanong oportunidad ang conference para sa mas malawak na kolaborasyon sa pagitan ng mga akademikong institusyon, upang maibahagi ang kani-kanilang pag-aaral na makatutulong sa patuloy na pagbabago sa mga nabanggit na sektor, lalo na sa usaping teknolohiya.
Ayon kay Professor Hoang Nguyen, Head ng Department of Software Engineering ng Thu Duc College of Technology sa Vietnam at keynote speaker ng conference, isa ito sa mahahalagang kaganapan na nagpapakita ng importansya at kakayahan ng mga pag-aaral, at nagbibigay-daan upang maibahagi ang mga ito sa internasyonal na antas.
Nasa 240 research presentations ang tampok sa ICTSBAF 2025, na tumatalakay sa mga isyu at inobasyon sa sustainable development, economic growth, technological advancement, at agricultural innovation.









