Nagkaisa ang Globe at iba’t ibang mga bangko laban sa mga scam at spam messages na bumibiktima sa maraming mga depositor. Ang mga mensaheng ito ay bahagi ng mahigit 138 milyong text at tawag na napigilan ng Globe sa unang anim na buwan ng taon dahil sa pakikipagtulungan ng mga bangko.
Mabilis na naharang ng Globe ang 9,063,698 bank-related scam at spam messages mula Enero hanggang Hunyo 15. Kabilang na rito ang mga report tungkol sa mga kahina-hinalang request para sa OTP o one-time PIN at iba pang mga paraan para ilegal na mabuksan ang mga bank account.
Napigilan din ng Globe ang 1,119 vishing calls kung saan may mga taong nagpapanggap na representante ng bangko para makakuha ng mga sensitibong impormasyon mula sa mga customer.
Mula pa noong 2019, mayroon nang binuong 24/7group chat ang Globe para sa mga malalaking commercial banks sa bansa kasama na rin ang Mynt na operator ng GCash. Sa pamamagitan nito, direktang nakakapag-report ang financial institutions sa Globe ng mga spam messages at insidente ng phishing o panggagaya sa isang URL, domain, o mobile number, at vishing para makapangloko.
Maliban sa pagharang sa mga scam at spam messages, nagbibigay din ang Globe ng libreng whitelisting ng mga opisyal na ahensiya na pinayagang magpadala ng mensahe para sa isang brand o kumpanya.
Kamakailan din ay lumagda ang Globe at Unionbank ng isang kasunduan para sa mas mabilis na mekanismong pag-alerto, mas tuluy-tuloy na pagpapalitan ng data, at mabilis na pag-sala sa mga aktibidad na may kinalaman sa online fraud.
“Sa mga nakalipas na taon, mas pinatibay namin ang aming depensa laban sa cybersecurity threats, kabilang na ang direktang koordinasyon sa aming partners. Para sa amin, ang customers ng aming partner banks ay customers na rin namin, kaya patuloy naming pinalalakas ang aming mga mekanismo para harangan ang online scams,” pahayag ni Anton Bonifacio, Globe Chief Information Security Officer.
Dahil sa matagumpay na relasyon ng Globe sa mga bangko, nakikipag-ugnayan na rin ang kumpanya sa mga popular na online marketplaces gaya ng Lazada at Shopee para sa whitelisting at threat intelligence sharing para maprotektahan ang mga customer.
Nananawagan ang Globe sa pribadong sektor na maging mas bukas ang isipan sa pakikipagtulungan para maiwasan ang mga scam. Binigyang-diin din ng Globe ang halaga ng kooperasyon ng mga customer para mapigilan ang paglaganap ng mga cybersecurity issues.
Hinihikayat ng Globe ang lahat na i-report sa https://www.globe.com.ph/stop-spam.html#gref ang mga mobile numbers na responsable sa mga spam at scam messages na natatanggap nila.
Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa Globe, bumisita sa www.globe.com.ph.