
Hatid ng Globe Telecom ang libreng access sa artificial intelligence tools sa milyun-milyong mobile at broadband customers nito ngayong holiday season sa pamamagitan ng AI Fiesta platform, sa layuning mas mapalawak ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa bansa.
Sa ilalim ng limitadong offer, maaaring gamitin ng mga customer ang iba’t ibang AI models at creative tools upang gumawa ng mga larawan at video, maghanda ng presentations, at bumuo ng websites nang walang bayad sa itinakdang panahon ng promo.
Saklaw ng libreng access ang Globe Circle at Globe Platinum customers mula Nobyembre 15, 2026 hanggang Enero 16, 2027. Samantala, maaari namang gamitin ng Globe Prepaid, Postpaid, Broadband, at TM customers ang platform nang libre mula Disyembre 1 hanggang 31, 2026.
Inanunsyo ang inisyatiba sa Holiday Edition ng “The Blueprint by Globe” bilang bahagi ng Christmas campaign ng kompanya na “Make Your Magic Happen.”
Kabilang sa mga feature nito ang Super Fiesta, na awtomatikong pumipili ng angkop na AI model batay sa tanong ng user, at Consensus, na pinagsasama ang mga sagot mula sa iba’t ibang AI models upang makapagbigay ng mas malawak na pananaw sa isang paksa.
Ayon pa sa Globe layunin ng inisyatiba na gawing mas accessible ang AI sa mga customer upang magamit nila ang teknolohiya sa pag-aaral, trabaho, at pagtuklas ng mga bagong oportunidad.










