GM Darwin Laylo, Nakipagchess sa Cauayan City

Cauayan City, Isabela – Tuwang-tuwa ang mga chess players na inimbitahan mula sa ibat ibang bahagi ng Rehiyon Dos nang kanilang makalaro si Grandmaster Darwin Laylo.

Ito ay matapos ganapin ang isang simultaneous chess exhibition game sa SM Cauayan mula 2:30 hanggang 5:30 ng hapon, Oktubre 22, 2017 na inorganisa ng SM Cauayan sa pamamagitan ng kanilang marketing manager na si Romeo Lucas Maniego Jr.

Ang chess simultaneous games ay isang laro sa chess kung saan ay ang inimbitahang grandmaster ay makikipagtagisan ng talas ng isip ng sabay sabay sa maraming chess players.


Kasama sa lumahok at tumulong sa pag organisa ay ang Cagayan Valley Chess Association (CVCA) sa pamumuno ni Robert Bumatay, Kyrl Rafa na isang chess event organizer at mga chess players mula sa ibat ibang bahagi ng region 2.

Sa panayam ng RMN News kay Kyrl Rafa, mas marami pa sanang nais makipaglaro kay GM Laylo ngunit kinulang ang nakalaang oras para sa naturang aktibidad.

Ayon naman kay CVCA President Robert Bumatay, si GM Darwin Laylo ay mabait at napakagaan ng kanyang loob sa mga kapwa chess players at umaasa siya ng mas marami pang aktibidad may kaugnayan sa chess upang mahasa ang mga chess players ng Cagayan Valley.

Sa tatlumpung nakalaro ni GM Laylo ay 26 ang di nakaporma, dalawa ang nanalo at dalawa ang tumabla.

Facebook Comments