Hindi makadadalo sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ito ay matapos na lumabas ang resulta ng RT-PCR test ni Arroyo nitong Sabado kung saan positive pa rin ang dating presidente sa COVID-19.
Ayon kay Erwin Krishna Santos, Chief of Staff ni Arroyo, naunang nagpositibo sa COVID-19 ang dating pangulo noong July 15 sa isinagawang antigen test.
Agad namang sumailalim si Arroyo sa self-quarantine sa ilalim ng pangangalaga ng kaniyang personal physician na si Dr. Martha Nucum.
Sa kabila ng regular na pag-inom ni Arroyo ng mga prescribed na gamot at supplements para sa pasyenteng may COVID-19, positibo pa rin ang resulta nito sa RT-PCR.
Matatandaan namang isa si Arroyo sa mga unang nagkumpirma na personal na pupunta sa unang SONA ni PBBM gayundin si dating Pangulong Joseph Estrada.
Bilang pag-iingat pa rin sa COVID-19, mahigpit na hinihingi sa mga imbitadong bisita sa SONA ang pagpapakita ng kopya ng RT-PCR test, vaccination card at health declaration form.
Ang mga bisita na aabot sa 37 C o higit pa ang body temperature sa pagbubukas ng 19th Congress at sa mismong SONA ay agad namang pauuwiin at hindi na maaaring makapasok sa loob ng Batasan Complex.