Tatlong work safety standards ang nilabag ng broadcast network na GMA kaugnay ng aksidenteng humantong sa pagkamatay ng beteranong aktor na si Eddie Garcia noong Hunyo, base sa inisyal na suri ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon kay DOLE National Capital Region director Sarah Buena Mirasol, bigo ang network na magtalaga ng safety officer at first aid personnel sa lokasyon ng shooting.
Bigo rin umano ang GMA na magsumite ng incident report sa loob ng 24 oras matapos ang aksidente.
Sinabi ni Mirasol na nagsagawa na ng mandatory conference para ipaalam sa network ang resulta ng imbestigasyon.
Humingi naman ang GMA at mga contractor nito ng dagdag na panahon para makapagsumite ng komento sa nasabing resulta.
Nakatakda ang susunod na pulong ng DOlE at network sa Setyembre 16.
Sa edad na 90 ay pumanaw si Garcia noong Hunyo 20 matapos ma-comatose dahil sa natamong neck fracture makaraang matisod at bumagsak habang nasa taping ng bagong teleserye sa GMA.