Cauayan City, Isabela-Nakaalerto ngayon ang pamahalaang panlalawigan ng Quirino katuwang ang Provincial Veterinary Office sa posibleng pagpasok at pagkalat ng African Swine Fever (ASF).
Ayon kay Governor Dakila Carlo ‘DAX’ Cua, isang malaking problema ang usapin ng ASF lalo pa’t noong nakaraang taon pa ito nagsimulang kumalat sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Dagdag pa ng gobernador, halos nasa 80-90 % ang mga backyard hog raisers kung saan bahagi ng kanilang pag-aalaga ng baboy ang pagkakakitaan, hanapbuhay nila para tuloy-tuloy na matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Aniya, ang mga maliliit na hog raiser ang apektado at magiging kawawa sa panahong ito at kailangan nila ng hanap buhay.
Giit ng gobernador, pinoprotektahan ng provincial government at ng DA ang mga hog raiser at kapag naka-detect ng ASF ay agad aaksiyunan ng Municipal Agriculture Offices upang maiwasan ang pagkalat sa iba pang mga alagaang baboy.
Muli namang pinaalalahanan ng opisyal ang kanyang mga kababayan na ang tamang polisiya ukol dito ay isumbong agad sa LGUs upang agad na makapagsagawa ng inspeksyon at maibaon sa lupa ang mga namatay na alagang baboy para masigurong hindi na kakalat pa ang sakit na ito.