Cauayan City, Isabela- Binigyang diin ngayon ni Cagayan Governor Manuel Mamba na pagkakalooban ng trabaho sa kapitolyo ang dating mga miyembro ng rebelde na nagbalik loob sa pamahalaan.
Ito ang pagtitiyak ni Mamba sa harap ng ika-52 anibersaryo ng CPP-NPA-NDF ngayong araw.
Sa isang pahayag, sinabi ni Mamba na maraming pwedeng pagsimulan ng trabaho ng mga dating rebelde batay sa kanilang kakayahan pero hindi aniya lalabanan ang gobyerno kundi tutulungan ang gobyerno para sa interes ng taumbayan.
Kinakailangan rin maturuan ang mamamayan para pumili ng mabuting lider na mamumuno para sa ikabubuti ng lahat.
Samantala, pagkakalooban rin ng trabaho ni Mamba si Ivylyn Corpin alyas ‘Ka Red’, dating NPA Kadre at kasamahan ni Amanda Echanis na kamakailan ay nahuli sa kanyang tinutuluyang bahay.
Hiniling rin ng opisyal sa publiko na makipagtulungan sa kapulisan at kasundaluhan dahil malaki aniya ang gampanin ng mga ito para masigurong ligtas sa banta ng karahasan dulot ng rebelde.