Ipinagmalaki ni Mindoro Oriental Gov. Humerlito ‘Bonz’ Dolor ang anya’y ‘victory over tragedy’ sa naganap na oil spill sa karagatan ng Mindoro sa nakaraang taon.
Kaugnay nito, pinabulaanan ng gobernador ang report ng Center for Ecology, Energy and Development (CEED) na hindi pa ligtas ang karagatan ng kanilang probinsiya na pangisdaan dahil sa naganap na oil spill noong February 28, 2023.
Sa isang panayam sa anibersaryo ng oil spill, sinabi ni Dolor na noong September 29, 2023 ay ipinasa na ang resolusyon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) kung saan inirerekomenda nito ang pag-lift sa state of calamity sa buong probinsiya.
Aniya, inilabas nila ang desisyon base sa resulta ng pagsusuri ng Department of Health (DOH) at ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa level ng grasa at langis kung saan bumaba na ito at pasado sa national standards kaya’t pinayagan muli ang pangingisda.
Idinagdag pa ni Dolor na inuna nila ang kapakanan ng mga naaksidente at ang pagbabayad ng karampatang danyos habang tuloy ang pagbibigay ng ayuda kahit pa tinanggal na ang fishing ban.
Aniya, nakakatanggap na rin ang mga biktima ng oil spill ng paunti-unting kumpensasyon mula sa Oil Pollution Compensation Fund at naipamahagi ito sa tulong ng mga eksperto mula sa binuong task force gayundin sa isinagawang seminar ng Philippine Coast Guard (PCG) at Department of Justice (DOJ).
Inihayag rin ni Dolor na matapos ang 100 araw ay nagbalik na sa safe at normal levels ang langis at grasa sa baybayin ng dagat kaya’t wala ng dapat pang ipangamba ang publiko.