Gobernador ng Pangasinan, Espino parin!

Lingayen Pangasinan – Naging matindi ang tunggalian sa pagka-gobernador sa lalawigang Pangasinan sa nakaraang halalan. Kaya naman halos lahat ay inaantabayanan ang resulta ng bilangan at bagamat ito’y naantala dahil narin sa naitalang aberya sa pagta-transmit ng mga boto pinilit ng Provincial Board of Canvassers na ito’y tapusin.

Dakong 11:00 ng umaga ngayong araw ng opisyal na iproklama si Incumbent Governor Amado Pogi Espino III bilang governor-elect sa pangunguna ni Atty. Ericson Oganiza na siyang tumatayong chairman ng nasabing board of canvassers. Sa pinal na bilangan umabot sa 782,073 na boto ang nakuha ni Espino kontra sa katunggali nitong si Alaminos City Mayor Arthur Celeste na nakakuha ng 582,872 na boto.

Dinaluhan ng kanyang pamilya ang nasabing proklamasyon kasama ang kanyang ina at kapatid na prinoklama ring panalo sa kanya kanyang posisyong tinatakbuhan. kapansin pansin naman na wala ang ama nito na si 5th District Amado Espino Jr. na di pinalad na manalo sa nakaraang halalan. Sa panayam sa gobernador pinasalamatan nito ang mga sumuporta sa kanya at sa kanyang pamilya at ayon sa kaniya ay ipagpapatuloy nito ang proyektong nasimulan ng kanyang administrasyon para sa probinsya.


Samantala pinag-aaralan ng kanyang pamilya at legal advisers nito ang pagsasampa ng kaso sa mga taong nasa likod ng mga malisyosong paratang na ipinupukol sa kanila. Partikular na tinukoy nito ang insidente ng hinihinalang vote buying activity sa Aguilar Pangasinan na pilit umanong kinakabit sa kanilang pamilya.

Facebook Comments