Manila, Philippines – Tiniyak ng Palasyo ng Malacañang na susunod ang pamahalaan sa mga nakasaad sa TRAIN Law partikular ang pagtigil sa paniningil ng excise tax sa oras na manatili sa 80 dollars per barrel ang presyo ng langis sa international market.
Ito ang tiniyak ng Malacañang matapos ang isa na namang bigtime oil price hike ngayong araw kung saan pumalo na sa mahigit 60 pesos kada litro ang presyo ng petrolyo sa mga gasolinahan sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, hindi mag-aalinlangan ang executive department na ipatupad ang mga nakasaad sa batas at agad na ihihinto ang paniningil ng excise tax sa petrolyo kung aabot sa itinakdang limit nito sa presyo sa international market.
Paliwanag ni Roque, isa ito sa mga nakita na ng mga mambabatas kaya inilagay ang probisyon sa batas na kung masyadong tumaas ang presyo ng petrolyo sa international market ay agad na susupindihin ang paniningil ng excise tax sa petrolyo upang hindi maging mabigat ang epekto nito sa inflation o presyo ng pangunahing bilihin sa bansa.