Hiniling ni Senator Grace Poe ang pagtutulungan ng pamahalaan at ng pribadong sektor sa pagtugon sa kakulangan ng kahandaan ng Pinoy graduates na nakakaapekto sa kanilang paghahanap ng trabaho.
Para kay Poe, panahon nang magkaroon ng “honest-to-goodness” review ng K-to-12 program para matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante.
Dapat din aniyang pag-aralang mabuti ng Department of Education (DepEd) at ng Commission on Higher Education (CHED) kung anong mga kurso ang tugma sa pangangailangan ng labor market sa kasalukuyan.
Umaasa si Poe na bibigyang prayoridad ng mga ahensya ng gobyerno ang review na ito, para makatulong din sa ginagawang hiwalay na assessment ng joint congressional oversight committee on the K-to-12 program.
Mababatid na sa situational report ng Commission on Human Rights (CHR), lumalabas na hirap makahanap ng trabaho ang mga nagsipagtapos nitong panahon ng pandemya dahil sa kakulangan ng soft at practical job skills.