Gobyerno, binigyan ng bagsak na marka ng mga health expert kaugnay sa pagtugon sa COVID-19 pandemic

Bagsak ang nakuhang marka ng gobyerno sa pagtugon sa nararanasang pandemya sa bansa bunsod ng COVID-19.

Ito ang ibinigay ng mga eksperto, ilang araw bago ang nakatakdang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 27, 2020 kung saan inaasahang ilalahad nito ang “Coronavirus recovery plan” ng gobyerno.

Sa inorganisang pagtitipon ng grupong Citizens’ Urgent Response to End COVID (CURE), inihayag ng mga health expert at iba pang larangan na nakitaan nila ng pagkukulang ang gobyerno sa pagtugon sa krisis sa COVID-19.


Nagresulta aniya ito sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng dinapuan ng virus at malalang sitwasyon ng kahirapan.

Ayon kay Dr. Joshua San Pedro, Co-Founder ng Coalition for People’s Right to Health, tila bumabalik lamang ang bansa sa simula sa kabila ng mga ipinatupad na lockdown.

Sa usapin ng pagiging epektibo ng mga pamamaraan ng gobyerno, sinabi ng grupo na bagsak ito at kailangan pa ng improvement upang makita na ang epekto nito.

Sa ngayon ay nangunguna pa rin ang Pilipinas sa mga bansa sa Southeast Asia na may pinakamaraming kaso ng COVID-19.

Facebook Comments