Iginiit ni Senator Risa Hontiveros sa National Task Force (NTF) on COVID-19 at Department of Health (DOH)na guwawa ng vaccine tracker na madaling maintindihan ng publiko kung saan nakikita ang itinatakda ng National Vaccination Program.
Paliwanag ni Hontiveros, kailangang updated ang taong bayan sa pagbabakuna na pinondohan mula sa bilyun-bilyong pisong inutang ng gobyerno na tayo ng magbabayad.
Ayon kay Hontiveros, habang patuloy na tumataas ang mga kaso ng COVID-19 ay mainam na malaman ng mamamayan kung ilan na ang nabakunahan at ilan pa ang babakunahan kung saan inuuna ang mga health workers at essential frontliners.
Dagdag pa ni Hontiveros, bukod dito ay dapat nakasaad din sa vaccine tracker ang mga bakuna na dumating sa bansa, at mga paparating pa lang, gaano ito karami at ilan na ang naidistribute pati ang vaccination schedules at deadlines.
Kumpyansa si Hontiveros, na makakatulong ang vaccine tracker para mapalakas ang tiwala ng publiko sa bakuna dahil magpapakita ito ng commitment sa transparency at accountability ng pamahalaan sa proseso ng vaccine rollout.