Iminungkahi ni Senator Nancy Binay sa Malacañang na manawagan na ng tulong mula sa ibang bansa at international organization para mas mapag-ibayo ang tulong sa mga biktima ng kalamidad.
Diin ni Binay, ang kakaiba at mas mahirap na sitwasyon ngayon, ay malinaw na hindi na natin kaya at kailangan na natin ng tulong at expertise ng intenational community para maligtas ang mas maraming buhay at matulungan ang lumolobong bilang ng mga biktima ng kalamidad.
Ayon kay Binay, puspusan na ang rescue operations na isinasagawa ng pinagsanib na pwersa ng Armed Forces, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Philippine Red Cross at mga Local Government Unit sa mga binahang lugar sa Bicol, National Capital Region (NCR), Bulacan, Pampanga, Isabela at Cagayan provinces.
Pero sa kabila nito, sinabi ni Binay na marami pa ring humihingi ng tulong ang hindi pa nasasaklolohan dahil sa kakulangan ng rescue helicopters, at mga kalsada na hindi madaanan.
Bukod sa Malakanyang, ay hiniling din ni Binay kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin na makipag-ugnayan na sa United Nations at mga miyembro ng international community para makahiram ang Pilipinas ng kinakailangang rescue equipment, mga tauhan, at air assets na akma para sa disaster response at rescue operations.