Pinagpapaliwanag ni Senador Imee Marcos ang gobyerno kung bakit mas mahal at lagpas doble ang babayaran natin sa pagbili ng COVID-19 vaccine kumpara sa mayayamang mga bansa.
Ayon kay Marcos, mabibili ng mga miyembro ng European Union ang AstraZeneca vaccine sa halagang 1.78 euro o 105 pesos per dose lamang habang ang Estados Unidos ay target din bumili ng AstraZeneca sa halagang $4 per dose.
Diin ni Marcos, di hamak na napakababa ng nabanggit na mga presyo kumpara sa lalagdaan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na kasunduan sa AstraZeneca para sa pagbili ng 30 million doses ng bakuna sa halagang P240 per dose.
Bunsod nito ay kinukwestyon ngayon ni Marcos kung bakit pumayag ang ating gobyerno na gumastos ng palugi para sa nabanggit na COVID-19 vaccine.
Giit ni Marcos, dapat masagot ng IATF ang isyu sa presyo para hindi pagdudahan ang pamahalaan na pinagkakakitaan ito sa kabila ng gipit na budget para sa bakuna.