Kinalampag ngayon ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman at Kabayan Representative Ron Salo ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW).
Ito ay para kumilos nang mabilis sa pagbibigay ng legal assistance at iba pang tulong para sa tiyansa na mailigtas ang mga Pilipino na nakahanay sa parusang kamatayan sa Malaysia.
Mensahe ito ni Salo, makaraang ibasura ng Malaysian government ang mandatory death penalty sa ilang mga kaso o paglabag.
Tinukoy ni Salo na base sa report ng DFA sa pagdinig ng Kamara ay nasa 83 mga overseas Filipinos ang nasa death row ngayon at 56 dito ay nasa Malaysia.
Kaya naman giit ni Salo sa DFA at DMW, ipa-review na agad ang kaso ng mga nakaambang mabitay sa Malaysia sa tiyansa na mapababa ang parusa sa kanila.