Gobyerno, dapat mag-ingat sa paglalabas ng anunsyo hinggil sa community quarantine; full opening ng ekonomiya, isinulong!

Pinagsabihan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang pamahalaan na maging maingat sa pag-aanunsyo ng mga ‘half-studied policies’ hinggil sa mga ipatutupad na community quarantine.

Giit ni PCCI Acting President Edgardo Lacson, ang pabago-bagong desisyon ay maaaring makabawas sa kredibilidad ng mga susunod na policy announcement.

“Yun ang nakakatakot na ang mga tao ay baka hindi na maniwala, maghihintay na lang nang maghihintay kung ano talaga ang tama,” paliwanag ni Lacson.


Muli namang isinulong ng PCCI ang full opening ng ekonomiya kahit pa hindi maabot ang target na herd immunity.

Katwiran ni Lacson, kahit pa mabakunahan ang 100% populasyon ng bansa ay bahagi na ng pang-araw-araw na pamumuhay ng tao ang COVID.

“Sabi nga ng mga siyentipiko, maski 100% bakunahan ang mga tao, the COVID-19 will live with us forever. So, anong hinihintay natin? Bakit hindi natin buksan ang ekonomiya ngayon, higpitan na lamang ang implementation ng mga health protocol.”

Facebook Comments