Gobyerno, dapat maghinay-hinay sa pagdideklara ng state of calamity sa sektor ng agrikultura

Iginiit ni Senator Grace Poe sa pamahalaan na maging maingat sa pagpa-plano at huwag magpadalos dalos sa pagdedeklara ng state of emergency o state of calamity sa sektor ng agrikultura para matugunan ang nagbabantang food crisis.

Paliwanag ni Poe, maaring gamitin ito ng ilan para sa walang habas na importasyon at pagluluwag ng kontrol sa mga imported agricultural products na tiyak pipilay sa sektor agrikultura.

Diin ni Poe, magtatagumpay lang ang deklarasyon ng state of emergency para sa food crisis kung magkakaroon ng ganap na transparency sa mga ipatutupad na hakbang.


Diin ni Poe, kailangan din itong sabayan ng pag-overhaul sa Bureau of Customs (BOC) at digitalization sa sistema at proseso nito.

Ayon kay Poe, bukas sila na talakayin sa bagong administrasyon ang mga posibleng solusyon sa pinangangambahang krisis sa pagkain.

Naniniwala din si Poe na ang pag-upo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang agriculture secretary ay patunay kung gaano ka importante na maaksyunan agad ang nagbabadyang food crisis upang walang Pilipino ang magutom.

Nanawagan din si Poe sa mga kapwa senador na suportahan ang kaniyang isinusulong na Right to Adequate Food bill na naglalayong bumuo ng legal framework para sa pagkilala at proteksyon ng karapatan para sa sapat na pagkain o right to adequate food.

Facebook Comments