Nababahala ang Kabataan Party-list sa posibleng idulot ng patuloy na pagluluwag sa bansa ng health protocols kaugnay sa COVID-19 sa harap ng planong gawing boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face mask sa mga indoor area o saradong lugar.
Paalala ng Kabataan Party-list, airborne o kumakalat sa hangin ang COVID-19 at napatunayan sa maraming pag-aaral na malaki ang tulong ng pagsusuot ng face mask para maiwasang mahawa nito.
Giit ng Kabataan Party-list, ang pagluluwag sa pagsusuot ng face mask ay dapat sabayan ng iba pang hakbang tulad ng puspusang testing at tracing, libreng paggagamot sa dadapuan ng COVID-19, disease surveillance at pina-igting na pagbabakuna.
Nangangamba ang Kabataan Party-list na dahil sa labis na pagluluwag ay lalo lang magtatagal ang pandemya at mabibigyan ng pagkakataon ang virus na malabanan ang mga bakuna.
Duda rin ang Kabataan Party-list na ang pag-relax ng patakaran sa pagsusuot ng face mask ay magbibigay ng kumpyansa sa mga negosyante para mamuhunan sa bansa.
Paliwanag ng Kabataan Party-list, mananatiling mailap ang dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas hangga’t hindi natutugunan ng gobyerno ang iba’t ibang problema tulad ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lumalaking utang at dumaraming bilang ng mga walang trabaho.