Hinikayat ni Bagong-Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy ang pamahalaan na maglaan na agad ng pondo para sa ganap na implementasyon ng National Integrated Cancer Control Center Act o ang Republic Act 11215.
Partikular na pinakikilos para paglaanan ng alokasyon sa batas ay ang Department of Health (DOH) at Department of Budget and Management (DBM).
Paliwanag ni Herrera-Dy na siyang pangunahing may-akda ng batas sa Kamara, ang tagumpay para sa early-detection at gamutan sa sakit na cancer ay nakasalalay sa sapat na pondo at implementasyon ng batas.
Sinabi ng kongresista na pinaka-kailangang unahin ng National Cancer Center at Department of Health (DOH) ang cancer screening at public awareness sa mga barangay, pribadong kumpanya, tanggapan ng gobyerno at maging sa mga paaralan para sa maagang pagtukoy sa sakit.
Mahalaga din aniya na mahikayat ang mga tao na magpasuri sa doktor sakaling may makitang sintomas ng sakit na cancer upang makapagsalba ng marami pang buhay.
Umaasa ang mambabatas na ipa-prayoridad ng pamahalaan ang paglalaan ng pondo para sa implementasyon ng batas.