Gobyerno, dapat maglatag na ng COVID-19 distribution plan

Nababahala si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa kawalan pa rin ng kongkretong Coronavirus vaccine distribution plan ng pamahalaan.

Diin ni Drilon, mahalaga ito para matiyak ang agarang access sa COVID-19 vaccine at para rin planado ang pamamahagi nito at pati ang storage o pag-iingat.

Ayon kay Drilon, ang paglalaan ng 2.5-billion pesos na inisyal na pambili ng COVID-19 vaccines sa susunod na taon ay mawawalan ng saysay kung walang malinaw na plano ang pamahalaan.


Ipinunto pa ni Drilon na mahalagang maitaas ang budget para sa bakuna dahil mangangailangan din ng pondo para sa logistical requirements nito tulad ng storage facilities.

Diin ni Drilon, dapat ay pangunahing isaalang-alang ng gobyerno na life saver o pang sagip-buhay ang COVID-19 vaccine kaya hindi dapat maging bara-bara ang mga hakbang hinggil dito.

Iminungkahi rin ni Drilon na magsagawa na ng advance order ng COVID-19 ang Pilipinas kahit hindi tayo nabibilang sa hanay ng mga mayayamang bansa para hindi tayo mapag-iwanan kapag nagkaroon na ng availalable na vaccine.

Facebook Comments