Kailangan nang magpasya ng gobyerno kung kaya ba nito o hindi na i-regulate ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO industry para mapabuti ito at matuldukan ang mga negatibong aspeto tulad ng pagkakasangkot sa iba’t ibang krimen.
Inihayag ito ni Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles matapos ang pagdinig ng pinamumunuan niyang Committee on Labor and Employment ukol sa labor and employment policy ng POGO industry sa harap ng panawagan na ihinto na ang operasyon nito sa bansa.
Sa pagdinig ay sinabi ng Department of Finance na kapag ipinagbawal ang POGO ay aabot sa ₱64.61 billion ang mawawalang kontribusyon nito sa ekonomiya ng bansa na kumakatawan sa 0.3 precent ng ating Gross Domestic Product.
Pahayag naman ng National Economic and Development Authority (NEDA), kung magpapatuloy ang operasyon ng POGO sa bansa ay 20,000 ang inaasahang malilikha nitong dagdag na trabaho mula sa kasalukuyang 16,736 na mga Pilipino na nagtatrabaho na rito.
Para kay Nograles, hindi maitatanggi ang ambag sa ekonomiya ng POGO industry.
Pero diin ni Nograles, dapat ikonsidera din ang epekto ng POGO sa ating lipunan sa kabuuan lalo’t iniuugnay ito sa iba’t ibang krimen tulad ng kidnapping, murder, human trafficking, prostitution at money laundering.