Hiniling ni Deputy Speaker at Las Pinas Rep. Camille Villar sa gobyerno na magsagawa ng malalimang assessment at komprehensibong pag-aaral sa estado ng mental health ng mga mag-aaral.
Panawagan ito ni Villar sa mga kinauukulang ahensya sa harap ng hindi magandang idinulot ng pandmeya sa mental health ng mamamayan lalo na sa mga kabataan.
Sa inihaing House Resolution 900 ay nagpahayag ng pagkabahala si Villar sa tumataas na kaso ng pagpapakamatay sa hanay ng mga estudyante na nagpapakitang tila may kinakarap ngayon na mental health crisis ang ating sektor ng edukasyon.
Tinukoy ni Villar ang datos ng education department na umabot sa mahigit 400 suicide cases ang naitala noong 2021-2022 academic year na siyang kasagsagan ng pagtama ng COVID-19 sa bansa.
Bunsod nito ay iginiit ni Villar ang kahalagahan na magpatupad agad ng mga proactive effort para maiwasang magkaroon sila ng mental health disorders sa pamamagitan ng pagpapahusay sa kabuuang mental health access at pagkakaloob ng therapy services sa mga paaralan at komunidad.
Iminungkahi rin ni Villar na madaliin ang pagtatayo ng dagdag na mental health units sa mga paaralan, ospital, at sa mga rural at urban area.