Gobyerno, dapat may sapat na pambili ng COVID-19 vaccine

Pinuna ni Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson na tila hindi napapagod ang gobyerno na mangutang sa harap ng planong mangutang muli ng pambili ng bakuna laban sa COVID-19.

Giit ni Lacson, hindi ito kailangang gawin ng gobyerno dahil dapat ay may available pang pondo mula sa mga naunang pag-utang para ipampuno sa ₱70 billion na unprogrammed fund o bahagi ng pambili ng COVID-19 vaccine na wala pang mapagkukunan.

Sabi pa ni Lacson, binasag ng Administrasyong Duterte ang record sa dami at bilis ng pag-utang nitong nakaraang 11 hanggang 12 buwan.


Ayon kay Lacson, ang hirap tanggapin ng pahayag ng tagapagsalita ng Palasyo na maghahanap sila ng mauutangan para sa bakuna gayong base sa website ng National Treasury ay nasa ₱10.027 trillion ang outstanding na utang ng pamahalaan.

Paliwanag ni Lacson, ibig sabihin ay halos 2 trilyong piso ang inutang ngayong taon ng pamahalaan kung saan nasa ₱600 billion ang ginastos pantugon sa pandemya kaya dapat ay may mahigit pang isang trilyong pisong natitira na maaring gamitin para sa COVID-19 vaccine.

Facebook Comments