Kumpiyansa si Vice President Leni Robredo na makakatulong ang pagpapalawig ng enhanced community quarantine (ECQ) para mapababa muli ang kaso ng COVID-19 sa NCR Plus.
Gayunman, sinabi ng pangalawang pangulo na dapat balanse ang pagpapairal ng ECQ at paghahatid ng ayuda sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino.
Aniya, dapat na ikonsidera ng pamahalaan ang mga daily wage earners na pansamantalang nawalan ng trabaho.
Para kay Robredo, nakaliit ng P1,000 ayuda para sa ilang araw na hindi sila makakapagtrabaho.
“Makakatulong yung pag-extend kasi mako-constrict ang mobility ng tao… Ang sa’kin lang, yung pinakamahirap ay yung ayuda. Pwedeng sa iba, wala naman ang 1 week, ang 2 weeks pero meron tayong mga kababayang kung hindi magtatrabaho ng isang araw, wala ring suweldo,” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila.
“May ibibigay na ayuda pero sa tingin natin, napakaliit, P1,000 na in-kind, parang equivalent siya sa ilang araw na trabaho.”
Kasabay nito, iginiit din ni Robredo na dapat na magtakda ng layunin ang gobyerno kasunod ng muling pagpapalawig ng ECQ.
“Dapat lahat ng ginagawa natin, merong timeline, scorecard. Kung magdadagdag tayo ng one week, ano ang gusto nating ma-achieve sa April 11?” saad niya.
“Kung hindi natin nakikita papaano siya gumagalaw, yung tao ang parating tanong, ‘May pag-asa pa ba tayo?’ Mahalaga na nakikita ng tao na meron tayong spefific obejctives at ina-achieve natin yun.”