Nakahanda ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) na ipagamit ang IBC-13 bilang education channel sa gitna na rin ng pagpapatupad ng distant learning ng Department of Education (DepEd).
Sa ginanap na virtual hearing ng Committee on Basic Education ng Kamara, sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar na ang naturang government media ang nakikita nilang mas magiging epektibong “educational channel”.
Aniya, ang kailangan lamang ay palakasin ang frequency nito upang maabot pati ang Region 3 at Region 4-A bukod sa Metro Manila.
Kung maisasaayos ang tower ng IBC-13 na may 20-kilowatt frequency, maaari aniyang umangat sa 50 kilowatt ang frequency nito abot sa mga malalayong probinsya.
Mangangailangan naman ng ₱50 million para maitaas sa 50 KW ang frequency ng government channel.
Suportado naman ni House Committee on Higher Education (CHED) Chairman Mark Go ang pagbibigay ng pondo sa IBC-13 para isaayos ang tower nito at magamit na educational tool ng mga estudyante.