Nakahanda ang gobyerno sakaling kailanganin na ang mas malaking operasyon o mandatory repatriation sa mga Pilipinong nasa Israel.
Sa Bagong Pilipinas ngayon sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnel Ignacio na kapag nabigyan sila ng full clearance para sa repatriation ay wala silang magiging problema rito, agad nilang gagawin.
Pero, sa kasalukuyan, wala pa sa mga Pilipino sa Israel ang naghayag na gusto na nilang umuwi rito sa Pilipinas sa halip ay gusto lamang na mailagay sila sa ligtas na lugar.
Ayon naman kay Department of Foreign Affairs (DFA) Usec. Eduardo de Vega na obligado naman silang magkaroon ng contingency plans para sa 365 days o sa araw araw para tumugon sa sitwasyon sa Israel.
Pero, batay aniya sa kasaysayan, sa tuwing nagkakaroon ng girian ang Palestine at Israel, tumatagal lamang ito ng isang linggo at babalik na muli sa normal na sitwasyon pagkatapos.
Umaasa ang opisyal na ganito rin ang magiging sitwasyon ngayon sa kabila na ito ay maituturing na pinakamalalang pag atake o pagpapasabog sa magkabilang panig.