Hihingi ng permiso ang pamahalaan sa Korte Suprema para payagan ang mga korte na inspeksyunin ang mga sample ng mga nakumpiskang shabu.
Sa kanyang public address kagabi, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Justice Secretary Menardo Guevarra at Solicitor General Jose Calida na dumulog sa Kataas-taasang Hukuman.
Layunin aniya nito na mapabilis ang pagsira ng mga nakukumpiskang ilegal na droga.
Para kay Pangulong Duterte, ang mga nasasabat na shabu ay kailangang sirain sa loob ng 24 oras matapos itong mainspeksyon ng piskalya para maiwasang ito ay ma-recycle.
Dagdag pa Pangulo, ang mga random sample ng droga ay kanilang suriin ng tatlong beses bago sirain ang buong kontrabando.
Ang mga sample na sinertipikahan ng piskalya ay magiging ebidensya na ipiprisenta sa korte.
Iginiit din ni Pangulong Duterte, na ayaw niyang makita ang mga bodega na tambak ng mga nakumpiskang ilegal na droga dahil dagdag lamang ito sa ‘sakit ng ulo’ ng gobyerno.
Bago ito, sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na higit ₱8.16 billion na halaga ng shabu ang nasira na ng mga awtoridad.
Ang Philippine National Police (PNP) ay nakapagsira ng 1,200 kilos ng shabu habang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay nakapagsira ng 600 kilo ng ilegal na droga.
Pagtitiyak ni Año na marami pang sisiraing ilegal na droga ngayong linggo alinsunod sa direktiba ni Pangulong Duterte.