Manila, Philippines – Pinayuhan ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone ang Kamara na huwag magpaapekto sa transport strike na ikinakasa ng ilang mga transport groups.
Ayon kay Evardone dapat na maglatag ng contingency plan ang gobyerno bilang tugon sa nagpapatuloy na jeepney strike.
Para sa kongresista, bagama’t kapuri-puri na iniisip ng Malakanyang ang kapakanan ng mga estudyante at mga empleyado sa pagsuspinde ng klase at pasok sa trabaho, hindi naman maganda na sa tuwing may transport strike ay walang magawa dito ang gobyerno.
Sinabi ni Evardone na nagpapahiwatig ito sa publiko na bukod sa suspensiyon sa pasok ay wala nang ibang kayang gawin ang pamahalaan para maibsan ang epekto ng transport strike.
Dagdag pa ng kongresista, apektado ng walang pasok ang financial services at stock market ng bansa.
Hindi anya dapat palaging nagpapa-hostage ang gobyerno sa ganitong sitwasyon at nadadamay pa ang ekonomiya dahil lamang sa strike ng ilang grupo ng transportasyon.