Gobyerno, hindi dapat makuntento sa pagbaba ng bilang ng mga mahihirap na Pilipino

Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Win Gatchalian sa pamahalaan na ipagpatuloy ang pagkilos para maibaba ang bilang ng mga pinakamahihirap na Pilipino sa bansa.

Ayon kay Gatchalian, ito ay kahit pa lumabas sa report ng Philippine Statistics Authority o PSA na bumaba na sa 21 percent mula sa 27.6 percent ang bilang ng pinakamahihirap na mga Pilipino.

Tinukoy din ni Gatchalian ang pahayag ng world bank na nasa tamang landas ang Pilipinas sa pagpapababa ng antas ng kahirapan bilang resulta ng mabilis na paglago ng ating ekonomiya.


Subalit ayon kay Gatchalian, kung ikukumpara sa ibang mga bansa sa Asia tulad ng Vietnam ay lumalabas na mas mabagal ang pagbaba ng bilang ng mga mahihirap sa Pilipinas.

Bunsod nito ay binigyang diin ni Gatchalian na dapat ipagpatuloy ng gobyerno na makapagbigay ng trabahong makatwiran ang sweldo.

Mahalaga din ang pagpapatupad ng mga reporma at programa lalo na sa sektor ng agrikultura na magpapabuti sa buhay ng mga magsasaka.

Dagdag pa ni Gatchalian, kailangan ding magpatupad ng legislative reforms para mapag-ibayo ang pagnenegosyo sa bansa at makahikayat ng maraming mamumuhunan.

Facebook Comments