Hindi sang-ayon si Senator Grace Poe sa rekomendasyon na maghain muli ng panibagong kaso laban sa China sa The Hague Arbitral Court para ilaban ang ating karapatan at soberenya sa West Philippine Sea.
Nauna rito ay iminungkahi ni dating Supreme Court Associate Justice Francis Jardeleza na maghain ng panibagong arbitration case laban sa China para muling igiit ang ating sovereign rights sa pinag-aagawang teritoryo.
Ayon kay Poe, maaari namang magpadala ng diplomatic protest laban sa China sa tuwing may insidente ng panghihimasok at pangha-harass sa West Philippine Sea at sa ating mga kababayan.
Pero sa usapin ng paghahain ng panibagong kaso ay hindi kumbinsido ang senadora dahil may naunang kaso nang naihain at may ruling na ito na pumapabor sa Pilipinas at ibinabasura ang claim na nine-dash line ng China.
Kung maghahain pa ulit ng isa pang arbitration case ay parang sinasabi ng ating bansa na hindi sapat ang naunang desisyon at delikado rin ito dahil sa halip na pabor na sa atin sa una ay baka mabago pa ang desisyon kapag ito ay iniapela natin sa ikalawang pagkakataon.
Paalala pa ni Poe, ang mga nagbubukas muli ng kasong nadesisyunan na at nababaan na ng desisyon ay kadalasang siya pang natatalo.