Hinimok ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang pamahalaan na magkaroon ng malakas na posisyon laban sa patuloy na harassment ng Chinese Coast Guard sa ating Philippine Coast Guard.
Sa panibagong insidente ng pambu-bully ng China sa bansa ay binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard ang ating PCG na tumutulong sa resupply mission sa Ayungin Shoal.
Giit ni Villanueva, ang mga ganitong klase ng bullying ay kailangang matigil na.
Kailangan na aniya na magkaroon ng matatag na posisyon ang gobyerno laban sa patuloy na harassment ng China.
Ito aniya ang dahilan kaya mismong ang Senado ay kumilos sa pamamagitan ng pagpapatibay sa resolusyon na kumukundena sa patuloy na panghihimasok sa ating teritoryo sa West Philippine Sea.
Hinihimok ni Villanueva ang Department of Foreign Affairs (DFA) na ipatupad na ang mga inirekomendang hakbang na nakapaloob sa in-adopt na resolusyon ng Senado upang wakasan na ang harassment at pambu-bully ng China.