Gobyerno, hinikayat na pag-aralan ang paggamit ng mga bagong teknolohiya para sa sapat na enerhiya sa bansa

Hiniling ni Senator Sherwin Gatchalian na pag-aralan na ng pamahalaan ang paggamit ng mga bagong teknolohiya para matiyak ang seguridad sa sapat na enerhiya ng bansa.

Ang hirit ng senador ay sa gitna na rin ng inaasahang paglakas ng electricity at energy demand at para mapabilis na rin ang transition ng bansa tungo sa mas malinis na enerhiya.

Ayon kay Gatchalian, mahalagang silipin ang mga umuusbong na teknolohiya tulad ng mga baterya at iba pang energy storage systems.


Maging ang mga bagong teknolohiya para sa nuclear power ay dapat na ring pag-aralan gaano man ito kakontrobersiyal.

Punto ni Gatchalian, dahil malaking bahagi ng fuel na ginagamit sa suplay ng kuryente ay inaangkat pa ng Pilipinas, anumang gulo sa labas ng bansa tulad ng Russia-Ukraine war ay may malaking epekto sa ating elektrisidad, sa presyo ng langis at maging sa kabuhayan ng mga kababayan.

Ito aniya ang dahilan kaya dapat na magpatuloy ang bansa sa paghahanap ng iba pang mga pamamaraan para paghusayin ang energy security at electricity supply sa bansa.

Katunayan aniya ay nasa gitna siya ng paghahain ng panukalang batas para maisulong ang energy storage tulad ng baterya lalo pa’t wala pang batas o anumang regulasyon patungkol sa mga bagong teknolohiya sa enerhiya sa bansa.

Facebook Comments