Hinimok ni Senator Chiz Escudero ang pamahalaan na huwag munang magpadalos-dalos sa paghusga sa kung sino talaga ang may kasalanan sa nangyaring malawakang blackout sa Panay Island.
Ito’y matapos ngang sisihin ni Pangulong Bongbong Marcos na ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang may kasalanan sa power outage sa Panay Island dahil bigo itong maagapan ang pag-collapse ng power transmission system na nakaapekto sa maraming negosyo at naglagay sa panganib sa healthcare ng rehiyon.
Ayon kay Escudero, posibleng hindi na-brief ng sapat at kumpletong impormasyon ang pangulo kaya ang nasisisi nito ay ang NGCP.
Paliwanag ng senador, hindi pa masabing NGCP talaga ang may kasalanan sa nangyaring malawakang brownout sa rehiyon dahil malaking katanungan ngayon ay kung bakit kinapos ng kuryente at naka-power outage mga lalawigan sa Western Visayas.
Iginiit pa ni Escudero na ang NGCP ay isang transmission company na naghahatid ng suplay ng kuryente mula sa generating company at pinamamahagi naman ng mga distribution utilities sa mga kabahayan at establisyimento.
Dapat muna aniyang alamin kung may nag shutdown na planta na hindi naipaalam o hindi naka-schedule dahil karaniwan namang ipinababatid muna ng mga generating companies na magsasagawa sila ng maintenance shutdown muna sila para mapaghandaan ng NGCP at ng mga distribution utilities.
Dagdag pa ni Escudero, sa idaraos na imbestigasyon ngayong linggo sa Senado ay magkakaalaman kung sino talaga ang may pananagutan at pahaharapin din ang distribution utilities sa Panay at sa Iloilo.