Gobyerno, hinikayat ni Senator Bong Go na dapat tuloy-tuloy ang pagpapalit ng stocks ng gamot

Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go, Chair ng Senate Committee on Health, ang pamahalaan na tiyakin ang tuloy-tuloy na pagpapalit ng stocks at walang patid na supply ng mga kinakailangang pangunahing gamot sa merkado kasunod ng reports na nagkakaubusan ng paracetamol at iba pa pang gamot sa trangkaso at sipon sa mga botika noong nakaraang linggo.

Dahil sa biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19 bunsod ng maraming lumabas noong holiday season, gayundin ang presensya ng Omicron variant, pinaalalahanan ni Go ang mga concerned agency na regular na i-monitor ang supply ng mahahalagang COVID-19-related medicines, partikular ang mga pansuportang gamot para sa symptomatic therapy.

“Gawin po natin ang ating magagawa para masiguro na tuluy-tuloy ang supply ng gamot sa bansa. Dapat rin pong maging accessible ang mga ito sa lahat lalo na sa mga mahihirap,” sabi ni Go.


“Mahalaga pong magawa natin ito lalo na ngayon na tumataas ang bilang ng kaso ng COVID-19 cases at mas maraming mga Pilipino ang mangangailangan ng gamot,” dagdag pa niya.

Samantala, inihayag ng Department of Health (DOH) na nakikipagtulungan ito sa Food and Drug Administration (FDA), maging sa Department of Trade and Industry (DTI) para tiyakin na tuloy-tuloy ang supply ng health related goods.

“Patuloy naman ang pagmo-monitor ng mga awtoridad ng status ng supply ng mga gamot, lalu na iyong kailangan ng mga COVID-19 patients, huwag dapat paabutin sa punto na kulang na ulit ang supply sa drugstores,” saad ni Go.

Una nang tiniyak ng DOH na sa kabila ng pagtaas ng demand sa mga naturang produkto ay walang kakapusan ng supply sa Pilipinas, may iba’t ibang generic na paracetamol anila sa merkado na mabibili sa maraming botika sa bansa.

Sinegundahan din ni Go ang payo ng health authorities sa publiko na iwasan ang ang pag-iimbak, panic buying o hindi naman kinakailangang bilhin na basic medicines maliban na lamang kung kailangan talaga at itinakda ng doktor.

“Marami ang nagkakasakit ngayon pagkatapos ng holiday season. Magmalasakit tayo sa isa’t isa at magtulungan. Pinapayuhan ang lahat na bumili lang po ng sapat sa pangangailangan upang masigurong yung iba ay hindi mauubusan,” pagbibigay diin ni Go.

Patuloy rin ang paalala ng senador sa publiko na ipagpatuloy ang ibayong pag-iingat at disiplina upang mapigilan ang pagkalat ng virus sa mga komunidad.

“Kung gusto natin bumalik sa normal na pamumuhay at talunin ang kalaban na hindi natin nakikita, kailangan ang disiplina at kooperasyon ng lahat,” saad pa ni Go.

Hinimok nito ang lahat na mahigpit na tumalima sa itinakdang health and safety protocols gaya ng tamang pagsusuot ng face mask, social distancing, madalas na paghuhugas ng mga kamay at pananatili sa bahay kung wala namang importanteng gagawin sa labas.

“Huwag natin sayangin ang mga pinaghirapan natin nung nakaraang taon. We continue to ask for your cooperation and understanding. As we course through this difficult time, we must all stand together,” apela ni Go.

Ang pinakamahalaga, nanawagan ang senador sa publiko na magpabakuna sa lalong madaling panahon dahil ayon sa datos, mas mild ang sintomas ng mga bakunadong tinamaan ng COVID-19.

“Mas delikado talaga kapag hindi bakunado. Kung mahal ninyo ang inyong pamilya, magpabakuna na po kayo. Libre naman ito galing sa gobyerno. Proteksyon ninyo ito laban sa virus at susi upang malampasan ang pandemya,” panawagan ni Go sa mga hindi pa bakunado.

Facebook Comments