Hinikayat ni House Minority Leader Benny Abante ang pamahalaan na bilhin mula sa mga local manufacturers ang mga Personal Protective Equipment (PPEs), masks at iba pang kagamitan na panlaban sa COVID-19, alinsunod na rin sa probisyon ng Bayanihan 2.
Sinita kasi ng Minority Leader ang pagbili ng gobyerno ng mura at substandard naman na PPE mula China, gayong mayroong available at pasado sa testing at certification standards na gawa dito sa Pilipinas.
Iginiit ni Abante na sa panahon ng pandemic ay kailangang inuunang ikonsidera ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga healthcare workers gayundin ang pagtangkilik sa mga locally manufactured products upang sumigla muli ang ekonomiya ng bansa.
Binigyang diin ng kongresista na mas magbebenepisyo ang bansa kung ang pondo na inilaan ay gagamitin sa procurement o pagbili ng mga internationally certified at locally produced na PPEs.
Paliwanag pa nito, isinama ng Kongreso ang probisyon sa pagbili at pagtangkilik sa mga lokal na produkto dahil kinikilala ng batas ang kahalagahan na matulungan ang mga local manufacturers at maisalba ang hanapbuhay ng mga Pilipino.
Sa ilalim ng Bayanihan 2 ay may inilaang ₱3 Billion para sa pagbili ng face masks, face shields at PPEs sa mga local manufacturers.