Inirekomenda ni House Committee on Energy Vice Chairman Alfred Vargas na kailangan ng gobyerno na magpasok sa bansa ng mga mamumuhunan para sa power at energy sector.
Ang suhestyon ay kasunod na rin ng babala ng mga eksperto na posibleng maharap ang bansa sa krisis sa enerhiya lalo na’t pagsapit ng 2024 ay inaasahang ubos na ang suplay ng Malampaya gas field na nagsusuplay sa 30% ng kuryente sa Luzon grid.
Kasabay nito ay iginiit din ng kongresista na magsilbing “wake-up call” sa pamahalaan ang nangyaring malawakang power outages sa Luzon kamakailan kung saan isang milyong residente ang naapektuhan.
Ayon kay Vargas, ang nangyari ay marapat na magsilbing paalala na hindi dapat manatili sa kasalukuyang estado ang power at energy sector at umasang matutugunan ang demand sa pagbangon ng ekonomiya mula sa pandemya sa ganoong kalagayan.
Giit ng mambabatas, marami na aniyang inilatag na panukala ang Kongreso para sa implementasyon ng mas maayos at sapat na suplay ng kuryente.
Paliwanag pa ng kongresista, ang “long-term” at “inclusive economic growth” ay madedetermina rin kung may matatag, maaasahan at abot-kayang kuryente na higit na makakahikayat sa investors ng mga pangunahing industriya tulad na lamang sa manufacturing at tourism.
Dagdag pa ng mambabatas, kapag maraming mamumuhunan ay mas makakalikha tayo ng mas maraming trabaho para sa mga sektor at rehiyon na pinadapa ng epekto ng pandemya.