Gobyerno, hinimok na panatilihin ang VFA sa bansa

Hinihimok ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez si Pangulong Rodrigo Duterte na panatilihin ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng bansa at Estados Unidos.

Sa palagay ng kongresista, nais ng mga Pilipino na hindi lamang basta suportahan ang kasunduan kundi nais ng publiko na palakasin pa ang relasyon ng dalawang bansa.

Ganito rin aniya ang sentimyento ng kanyang mga constituents sa Cagayan de Oro.


Paliwanag ni Rodriguez, ang mga Pilipino ay natural nang may ugnayan sa US hindi lamang sa dekadang samahan kundi dahil na rin sa matatag na cultural at social ties.

Maliban dito, ang America rin ay tahanan na ng napakaraming mga Pilipino.

Naobserbahan pa ng mambabatas na mas pinagkakatiwalaan ng mga Pilipino ang Estados Unidos kumpara sa China dahil ikinokonsidera ng mga Pinoy na maaasahang kaalyado ang US sa lahat ng aspeto ng foreign relations.

Samantala, sang-ayon naman si Rodriguez sa panukala ni Pangulong Duterte na palawigin pa ng US ang military at economic assistance na ibinibigay nito sa bansa kung nais panatilihin ang VFA.

Sa tingin ng kongresista na ito ay isang makatwirang panukala dahil nais lamang ng Presidente ng patas na pagtrato tulad sa ibang kaalyado ng Estados Unidos.

Facebook Comments