Gobyerno, humingi nang tulong sa isang eksperto para sa water management

Ilalabas ng Water Resources Management Office (WRMO) ang kanilang rekomendasyon sa loob ng linggong ito para tugunan ang epekto ng El Niño phenomenon.

Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos nyang makausap si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga at sinabing handa nitong isapubliko ang mga kailangang gawin.

Sinabi pa ng presidente na tutulong na sa gobyerno si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson, na isang eksperto sa water management.


Maghahain aniya si Singson ng kaniyang mga plano at rekomendasyon para sa pagbuo ng contingency plan.

Sinabi ng pangulo na kailangang i-convert ng bansa ang paggamit nito ng tubig mula sa ilalim ng lupa patungo sa pagiging surface water.

Dahil may sapat naman aniyang surface water ang bansa.

Pero ang tanong ayon sa pangulo ay kung papaano ito poprotektahan.

Dahil dito nagdidisenyo na aniya ang pamahalaan ng isang sistema para sa catchment basins hindi lamang para sa flood control maging sa irigasyon at para sa pag-generate ng kuryente.

Sa usapin naman ng suplay para sa mga bukirin, ayon sa pangulo mayroong disenyo ang National Irrigation Administration o NIA para sa mga existing dams upang masiguro ang patuloy na suplay ng tubig.

Punto ng pangulo, nagtutulungan ang DENR, DPWH, Department of Agriculture (DA) at NIA sa paghahanap ng mga solusyon at paraan para matugunan ang matinding epekto ng El Niño phenomenon.

Facebook Comments