Gobyerno, kailangang ibuhos ang lahat ng pagsisikap para mapababa ang presyo ng bigas

 

Iginiit ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay 2nd district Representative Joey Salceda sa gobyerno na ibuhos ang lahat ng pagsisikap para mapababa ang presyo ng bigas.

Mungkahi ito ni Salceda, makaraang bumaba sa 3.9% ang inflation rate o bilis ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin nitong Disyembre na pareho sa kanyang pagtaya na mas mababa sa 2 to 4 % na target ng Bangko Sentral ng Pilipinas para sa pagtatapos ng 2023.

Ayon kay Salceda, kailangang tutukan ang bigas dahil bumilis sa 19.6 % ang pagtaas sa presyo nito kumpara sa ibang mga bilihin na kontrolado na ang presyo.


Inihalimbawa ni Salceda ang 12.2 % na inflation rate sa mga fruits and nuts dulot ng “seasonal consumption” sa kasagsagan ng Pasko, habang ang corn inflation ay “negative” na at nasa 0.2 % na lang ang inflation sa karne.

Tumaas muli ang presyo ng bigas sa world market kaa kailangang tutukan ngayon ang iba pang maaaring pagkunan nito at pagpalakas sa lokal na produksyon lalo inaasahan ang patuloy na epekto ng El Niño o tagtuyot.

Ikinalugod din ni Salceda na mula sa dating 50 % ay ibinaba ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos sa 35 % ang tariff rates na ipinataw para sa Non-ASEAN rice imports.

Facebook Comments