Kinalampag ng isang environmental organization ang gobyerno na kumilos para mapangalagaan ang mga katubigan sa bansa mula sa basura.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Oceana Philippines Vice President Atty. Gloria Ramos na nakakahiya na pito sa sampung pinakamaruruming ilog sa buong mundo ay matatagpuan sa Pilipinas.
Aniya, ang gaganda ng environmental laws sa bansa gaya ng Republic Act 9003 o “The Ecological Solid Waste Management Act of 2000” na 21 taon na pero hindi naman naipatutupad.
“Nakakahiya ano, hindi badge of honor ito at hindi lang isa, 7 out of 10 of our rivers are considered as among the most polluted in the world,” ani Ramos.
“Kaya kailangan talaga ang mga mamamayan na ang mag-pressure or call government to action. Maawa na tayo ‘no, sa present and future generations. Ito ba ang ibibigay natin sa kanila, a plastic planet.”
Una nang pinalagan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pag-aaral na nagbansag sa ilog pasig bilang top ocean plastic pollution-contributor sa mga ilog sa buong mundo.