Gobyerno, lugi raw sa ilang probisyon sa concession agreements ng MWSS sa Maynilad at Manila Water – DOJ

Manila, Philippines – Dehado ang gobyerno sa ilalim ng ilang probisyon sa concession agreements ng MWSS sa Maynilad at Manila Water.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, batay sa isinagawang pag-review ng Department of Justice o DOJ sa 1997 concession agreements, nakita nila may ilang mga probisyon sa kasunduan na disadvantageous sa pamahalaan at sa mga konsyumer.

Kabilang na rito ang probisyon na nagbabawal sa pamahalaan na makialam sa pagtatakda ng mga water companies ng singil sa tubig at ang indemnity provision sakaling magkaroon ng government interference.


Sinabi ni Guevarra na ang mga nasabing probisyon ang dahilan kaya iniutos ng arbitration court sa Singapore na bayaran ng gobyerno ang Maynilad at Manila Water ng bilyun-bilyong piso matapos na ibasura ang hirit na water rate hike nila.

Inihayag ng kalihim na una nang inatasan ni Pangulong Duterte ang DOJ ngayong taon na i-review ang kasunduan sa harap ng naranasang krisis sa tubig.

Nabatid pa ng DOJ na kuwestiyonable ang pagpapalawig sa concession agreements hanggang sa taong 2037 lalo na at pinagkaloob ang extension 13 taon bago magpaso ang mga kontrata.

Facebook Comments