Gobyerno, makatitipid na ngayong puwede nang bumili ng COVID-19 vaccines ang mga pribadong kumpanya

Iginiit ng Employers Confederation of the Philippines na mas makatitipid na ang gobyerno ngayong pinayagan nang bumili ng COVID-19 vaccines ang mga pribadong kumpanya sa bansa.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni ECOP President Sergio Ortiz Luis Jr. na magiging tulong na rin ito ng private companies lalo na’t mga Pilipino naman ang makikinabang sa bakuna.

Kaugnay nito, ipinaalala naman ni Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) Spokesperson Alan Tanjusay na hindi maaaring ibawas sa sweldo ng mga empleyado ang gastos sa ituturok sakanila na COVID-19 vaccines.


Nakasaad aniya ito sa inilabas na guidelines ng Department of Labor and Employment (DOLE) kasama ng pagbabawal sa “no vaccine, no work” policy.

Samantala, sinabi rin ni Dr. Henry Lim Bon Liong sa interview ng RMN Manila na nasa 500,000 doses ng COVID-19 vaccines ang target na bilhin ngayon ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc.

Layon aniya nitong matulungan ang mga itinuturing na economic frontliners para masigurong magtutuloy-tuloy na ang pagbangon ng ating ekonomiya.

Facebook Comments