
Naniniwala si Senate Majority Leader Joel Villanueva na makatitipid ang pamahalaan sa pagtulong ng pribadong sektor na solusyunan ang problema sa baha sa Metro Manila.
Kaugnay na rin ito ng boluntaryong clean up sa mga ilog at waterways na libreng iniaalok ni San Miguel Corp. President Ramon Ang sa pamahalaan para maresolba ang pagbaha sa mga lugar tuwing may habagat at bagyo.
Ayon kay Villanueva, kilala niya si Ang na palaging may batayan ang mga solusyong binabanggit at kumunsulta rin ito ng mga eksperto.
Sakali aniyang maraming tulad ni Ang na tutulong sa pamahalaan ay tiyak na mailalaan sa ibang mahahalaga at mapapakinabangan na proyekto ang pondong para sana sa flood control.
Pinayuhan naman ni Villanueva na makipag-ugnayan sa pamahalaan ang mga private sector upang matiyak na ang disenyo o efforts na gagawin para sa flood control ay naaayon sa master plan.
Umaasa ang mambabatas na sa pagkakataong ito na binuksan ni Pangulong Bongbong Marcos ang problema sa flood control projects at sa inaasahang pagtulong ng pribadong sektor ay ganap na matutugunan na ang matagal na problema.










