Siniguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na gumagawa ng mga hakbang ang gobyerno para maprotektahan ang publiko laban sa mga abusadong online lenders at investment scammers.
Ginawa ng pangulo ang pahayag sa ambush interview sa pagdalo nito sa ika-85 taong anibersaryo ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa lungsod ng Makati.
Sinabi ng presidente na bagama’t hindi lang sa Pilipinas nangyayari ang mga insidente ng panggagantso, mahalagang patuloy na mapapalakas ang kakayahan ng pamahalaan para labanan ang mga ganitong uri ng modus.
Aminado ang pangulo na may dalang panganib sa tao ang paggamit ng artificial intelligence at iba pang powerful tools na makikita sa social media o internet sa kabuuan.
Kapansin-pansin ayon sa pangulo na habang nagpapalakas ng depensa at kapabilidad ang gobyerno para masawata ang mga ganitong transaksiyon ay may pantapat naman na bagong teknolohiya at teknik ang mga salarin.
Kasabay nito, tiniyak din ng presidente na patuloy na mino-monitor ang mga kasong ito habang naniniwala rin ito na isa sa mga pinakamalaking hakbang na ginawa ng pamahalaan para masugpo ang iba’t ibang uri ng panloloko o scam ay ang pagkakapasa ng SIM card registration law.